Ang paksa ng Buwan ng Wika para sa taong 2011 ay “Ang Filipino ay wikang panlahat, ilaw at lakas sa tuwid na landas.”
NOMINASYON SA GAWAD DANGAL NG WIKANG FILIPINO, BUKAS NA!
“Ang Filipino ay wikang panlahat, ilaw at lakas sa tuwid na landas.”
Ito ang tampok na tema para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa taong ito. Tuwing Agosto, ipinagdiriwang ng Pilipinas taon-taon ang Buwan ng Wikang Pambansa sang-ayon sa tagubilin ng Proklamasyon Blg. 1041, s. 1997 na iniatas ng Dating Pangulong Fidel V. Ramos. Sa nasabing proklamasyon, kinikilala ang kahalagahan ng isang katutubong wika bilang mahalagang kasangkapan sa komunikasyon, unawaan, kaisahan at pambansang kaunlaran.
Bilang pagtugon sa layunin ng pagpapayabong at pagpapasigla ng wikang pambansa, at bilang isa sa mga tampok na gawain sa nasabing pagdiriwang, pormal na binubuksan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang nominasyon para sa GAWAD DANGAL NG WIKANG FILIPINO. Naririto ang sumusunod na panuntunan sa paglahok:
1. Bukas ang nominasyon sa lahat ng indibiduwal, samahan, tanggapan/institusyon at mga ahensiyang pampamahalaan o pampribado man na may natatanging mga ambag o nagawa sa pagsusulong/pagpapalaganap, pagpapayabong/pagpapaunlad, at preserbasyon ng wikang Filipino.
2. Ang sino mang indibiduwal, samahan, tanggapan/institusyon at mga ahensiyang pampamahalaan o pampribado na maaaring lumahok at iendorso kung nakapagpamalas ng pagsusulong/pagpapalaganap, pagpapayabong/pagpapaunlad, at preserbasyon sa wikang Filipino na masasalamin sa kanilang mga nagawa sa nakalipas na tatlong (3) taon man lamang kaugnay ng larangang kanilang kinabibilangan nang may pagsasaalang-alang sa makabuluhang kontribusyon sa wikang Filipino sa pamamagitan ng:
Pagtuklas at Pan analiksik
Programa’t Serbisyong Naitaguyod
Produksiyon, Likha at Katha
3. Marapat na dumaan sa rekomendasyon ng samahan, tanggapan, institusyon o kahit ng isang indibiduwal ang pagpapasok o paghaharap ng kanilang pangalan. I-download ang pormularyo-GDWF at panuntunan/pamantayan-GDWF para sa nominasyon.
4. Mangyaring ilakip sa opisyal na pormularyo para sa nominasyon ang ano mang credential o mga dokumento at larawang magpapatotoo sa kanilang mga nagawa at ipadala sa Lupon sa Gawad c/o Sangay ng Impormasyon at Publikasyon ng Komisyon sa Wikang Filipino, 2/f Watson Bldg. 1610 J.P. Laurel St., MalacaƱang, San Miguel, Maynila.
5. Ipadala sa koreo (courier) o dalhin nang personal ang nominasyon. Hindi isasama sa talaan ng mga nominado ang mga ipinadala sa email/fax.
6. Mananatiling kompidensiyal sa Lupon ng Gawad ang lahat ng nominasyon. Dadaan ang mga nasabing nominasyon sa proseso ng deliberasyon Ang mapipili ng Lupon ay pinal at hindi maipaghahabol.
7. Ang tatanghaling nominado ay tatanggap ng Gawad – Parangal sa araw ng gawad na gaganapin sa Bayview Park Hotel sa Agosto 31, 2011.
8. Ang huling araw ng pagpapasa ng nominasyon ay sa Hulyo 29, 2011, hanggang ika-12:00 n.t. lamang.
BUKAS NA ANG GAWAD KWF SA SANAYSAY 2011!
TUMATANGGAP na ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ng mga lahok sa Gawad KWF sa Sanaysay 2011 kaugnay ng taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa (Agosto 1-31, 2011).
Ang paksa ng timpalak sa taong ito ay “Ang Filipino ay Wikang Panlahat, Ilaw at Lakas sa Tuwid na Landas.”
Bukas sa lahat ang timpalak, maliban sa mga kawani ng KWF at kanilang kaanak.
Ang lahok ay kailangang orihinal at nasusulat sa Filipino, hindi kukulangin sa 12 pahina ngunit hindi hihigit sa 30 pahinang makinilyado o kompiyuterisado, may dalawang espasyo sa bond paper na may sukat na 8 ½” x 11” at may apat na kopya.
Isa(1) lamang lahok ang maaaring isumite at hindi dapat ito magtaglay ng pangalan o sagisag-panulat ng may-akda. Sa nais lumahok, i-download ang PORMULARYO at TUNTUNIN. Ilakip ang pormularyo kasama ng lahok at electronic file. Lakipan ng larawan ang pormularyo sa paglahok. Hindi tatanggapin ang lahok na ipadadala sa pamamagitan ng email.
Ang mga gantimpala ay: Una, P20,000.00 at karangalang Mananaysay ng Taon 2011; pangalawa, P15,000.00; pangatlo, P10,000.00 at tropeo bawat isa. Tatanggap din ang tatlong magwawagi ng karangalang-banggit ng P5,000.00 at plake bawat isa.
Agosto 5, 2011 ang deadline ng pagsusumite ng mga lahok. Dalhin nang personal o ipadala sa koreo sa:
Lupon sa Sanaysay 2011
Komisyon sa Wikang Filipino,
2/F Watson Bldg., 1610 J.P. Laurel St.
MalacaƱang Complex
San Miguel, Manila.
Para sa iba pang katanungan, tumawag sa tel. 736-2519/736-0315/736-2521.